Arestado ang isang mag-amang dahil umano sa pagmomolestiya at panggagahasa sa isang 13-anyos na dalagita sa Baao, Camarines Sur.

Sa ulat ni Bam Alegre nitong Martes sa "Balita Pilipinas Ngayon," sinabing ika-9 sa most wanted list ng bayan ang ama, habang ika-4 naman ang kaniyang 17-anyos na anak, dahil sa ginawa nila sa biktima.

Lumitaw na ang biktima ay anak ng kinakasama ng nakatatandang suspek.

Kuwento ni Police Corporal Rommel Espiritu ng Baao police PIO, "Nangyari siya last year, September 25, 2018, sa bahay nitong suspek [na ama] parang hinipuan [yung biktima] at ito namang anak, 'yun po ang nang-rape."

Itinanggi naman ng mag-amang suspek ang mga paratang na sinampahan ng kasong rape at paglabag sa Anti Child Abuse Law.

Pinayagang na makapagpiyansa sa halagang P120,000 ang ama pero hindi ang kaniyang anak.-- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News