Duguan at wala nang buhay nang matagpuan sa kaniyang bahay sa Davao City ang isang babae. Ang mukha ng biktima, halos hindi na makilala dahil sa matinding palo na ginawa ng salarin.

Sa ulat ni Jandi Esteban ng RTV-One Mindanao sa "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Flanar Cua Samson, 47-anyos, residente ng Belisario Village sa Barangay San Antonio sa Agdao, Davao City.

Umaga nitong Lunes nang makita ng kapitbahay ang bangkay ng biktima. Bago nito, nadinig pa umanong humingi ng tulong si Samson pero inakala raw na nakikipag-away lang ito sa asawa.

Unang itinuring na "person of interest" sa krimen ang asawa ng biktima pero kinalaunan ay lumitaw na isang kapitbahay nila ang suspek matapos na makita raw itong sumampa sa gate ng bahay.

Anggulong personal na galit at panghahalay ang nakikita ng mga pulis na motibo ng salarin kaya ginawa ang krimen.

"Unang naggulo ay personal grude kasi nagpapautang ng pera itong biktima at isa sa mga costumer niya ang suspek.  Ikalawa, attempted rape kasi base sa ocular investigation, natanggal na ang zipper ng pntalon ng biktima at naitaas na ang kaniyang blouse," ayon kay Police Major Michael Uyanguren, hepe ng Sta Ana Police.

Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang suspek. -- FRJ, GMA News