Dinukot ang mga armadong lalaki ang dating tauhan ng pinaslang na mayor ng Tanauan City, Batangas, at ang kasama niya habang kumakain sa isang restaurant sa Laguna.
Ayon sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News TV "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Huwebes, sinabing umakain sa restaurant ng isang hotel sa Sta. Rosa si Allan Lumbres Fajardo, dating pinuno ng anti-crime group ng pinatay na mayor na si Antonio Halili, at kasama niyang si Ricky Atienza, nang sapilitan silang kunin ng mga armadong lalaki.
Kuwento ng isang guwardiya sa mga imbestigador, dinisarmahan daw sila ng mga suspek at kinuha ang kanilang mga radyo.
Pinadapa rin daw ng mga suspek ang ilang guest sa hotel at saka nagpunta sa mesa kung saan nakapuwesto si Fajardo at kasama niya.
Mabilisan umanong kinuha ng mga suspek ang dalawa at ipinasok sa naghihintay na sasakyan.
Ayon sa ulat, dati nang lumutang ang pangalan ni Fajardo sa drug matrix na inilabas noon ng Philippine National Police (PNP), at itinuturo siyang lider ng ‘Fajardo Group’ na sangkot umano sa kalakalan ng droga.
Nadawit din noon sa narcolist ang kaniyang amo na si Halili, na pinatay naman noong Hulyo ng nakaraang taon sa gitna ng isang flag ceremony sa Tanauan City Hall sa Batangas.
Naging maugong din ang pangalan ni Halili dahil sa kanyang shame campaign laban sa mga pinaghihinalaang kriminal. -- Joviland Rita/FRJ, GMA News
