Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng 10 armadong suspek sa kanyang bahay sa Iriga City, Camarines Sur, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.

Hindi na mamukhaan at tadtad ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Jimmy Barsenal.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nasa terrace ang biktima nang biglang umatake at maghalughog ng gamit sa bahay ang mga suspek.

Hindi naman sinaktan ng mga suspek ang kinakasama ng biktima, na nasa loob lang ng bahay nang mangyari ang pag-atake.

Hindi muna nagbigay ng karagdagang detalye ang pulisya ukol sa insidente habang gumugulong ang imbestigasyon.

Wala ring pahayag ang kinakasama ng biktima. —Joviland Rita/KG, GMA News