Nauwi sa trahediya ang picnic ng isang pamilya sa Camarines Sur matapos bumangga sa truck ang sinasakyan nilang jeepney. Ang driver ng jeep, hinihinala ng pulisya na nakainom ng alak.
Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, makikitang nakahandusay sa kalsada ang ilang biktima ng aksidente sa National Highway sa Libmanan, Camarines Sur.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na nag-counterflow umano ang jeep at sumalpok sa kasalubong na truck.
Anim ang patay, kabilang ang tatlong menor de edad. Isinugod naman sa ospital ang 14 na iba pang nasugatan.
Kasama rin sa mga nasawi ang driver ng jeep na si Jorge Montanyez, na hinala ng pulisya ay naka-inom.
Samantala, bigla namang nawala at patuloy na hinahanap ang driver ng truck na si Noel Amot.
Sa Ilagan City, Isabela naman, nasawi ang 17-anyos na estudyante matapos na sumalpok ang minamaneho niyang tricycle sa isang trailer truck.
Nag-overtake umano ang estudyante sa isang sasakyan, saka ito sumalpok sa kasalubong na truck.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, nakainom ng alak ang binatilyo, pero itinanggi naman ito ng kaniyang ama.
Sumuko naman sa mga awtoridad ang driver ng truck na nahaharap sa reklamo.-- FRJ, GMA News
