Natagpuan sa septic tank ng isang paaralan sa Danao City, Cebu ang bangkay ng isang 14-anyos na babae. Ang suspek sa krimen, ang 34-anyos na security guard ng paaralan na nanliligaw daw sa biktima.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing nadiskubre ang bangkay nang malanghap ang masangsang na amoy sa paaralan.

Hinanap ng utility worker ng paaralan ang pinanggagalingan ng masangsang na amoy hanggang sa makarating siya sa septic tank. Nang buksan ito, doon na nadiskubre ang bangkay at ipinaalam nila ito sa mga awtoridad.

Kaagad namang nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya matapos makilala ang biktima. Huli raw nakitang buhay ang dalagita sa guard house ng paaralan na may kasama na isang lalaki.

May nakita rin daw na dugo sa guard house.

Sa hiwalay na ulat ng "Quick Response Team," kinilala ang biktima na si Thesa Marie Ygay, na kinumpirma umano kaniyang ama.

Samantala, patuloy namang hinahanap ang suspek na security guard na si Jessie Mediquillo, 34-anyos.

Napag-alaman na nanliligaw sa biktima ang suspek.

May nakita umanong mga sugat sa katawan ang dalagita.

Base impormasyon ng pulisya, posibleng noong Biyernes umano pinatay ng suspek ang biktima.--FRJ, GMA News