Lumabas sa autopsy na nagtamo ng 34 saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan ang 14-anyos na dalagitang natagpuan sa septic tank sa Danao, Cebu na si Thesa Marie Ygay. Ang suspek, lumitaw na kakilala ng biktima.
Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Miyerkoles, sinabing natagpuan din malapit sa pozo negro ang isang kutsilyo at tubo na may bahid ng dugo, at ang mga damit umano ng biktima.
Nagtagpuan nitong Lunes si Ygay sa septic tank ng pinapasukang Cogon Cruz Integrated School sa Danao makalipas ang dalawang araw na paghahanap sa kaniya.
"We also noted one big stab wound on the side, on the left side of the body and several other smaller stab wounds on the left side of the body and on the chest. Nakita rin natin marami siyang stab wound sa neck," sabi ni Police Lieutenant Colonel Benjamin Lara.
Itinuturo bilang salarin ang naka-duty na security guard ng paaralan na si Jessie Mediquillo.
Nahagip sa CCTV ang pag-alis ni Mediquillo sa paaralan umaga ng Sabado, ang araw kung kailan iniulat na nawala si Ygay.
Sinabi ng karelyebong guard ni Mediquillo na ilang araw nang kakaiba ang kinikilos ng suspek.
Nagtungo pa si Mediquillo sa kanilang bahay para magpaalam na hindi na ito muling papasok.
Ayon din sa impormasyong nakalap ng Danao City Police, tumutulong ang suspek sa gastusin ng dalagita at mga kapatid matapos silang iwan ng kanilang ina.
Ngunit kalauna'y isinumbong ang guwardiya sa pulisya matapos niyang kalbuhin umano ang dalagita at sunugin ang gamit nito.
Dahil sa pangyayari, pinatira muna sa Lapu-Lapu City si Ygay pero bumalik umano ito sa Danao hanggang sa tuluyang iniulat na nawawala.
Pinabulaanan naman ng Cebu Provincial Crime Lab ang lumalabas na usap-usapan na buntis ang dalagita.
Hindi nga lang nila masabi kung ginahasa ang biktima, dahil hindi na ito masuri at naaagnas na ang bangkay. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
