Naputulan ng kamay ang isang binata sa General Santos City nang tagain siya ng kanyang kainuman na binully raw nila, ayon sa ulat ni Lala Roque sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Miyerkules.

Nag-iinuman raw ang biktimang si Johnny Tadle kasama ang mga kaibigan nang dumating ang suspek na si Joven Sanchez.

Sa inuman, naging tampulan daw ng tukso si Sanchez kaya nauna na raw itong umuwi, pero inabangan niya lang pala na umuwi si Tadle.

"Nang-bully talaga, kasi ako lang naman mag-isa doon sa kanilang tropa na mga trabahante," sabi ni Sanchez.

Nang umuwi na si Tadle galing sa inuman, dito na siya tinaga ni Sanchez.

"Paglabas ko bigla niya lang ako tinaga, agad-agad ng walang pasabi," sabi ni Tadle.—Joviland Rita/LDF, GMA News