Nahuli-cam ang panghoholdap at pamamaril ng magkaangkas na salarin sa isang 20-anyos na call center agent sa Lapu-Lapu City, Cebu.

Sa kuha ng CCTV na ipinakita sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Biyernes, makikitang abala sa cellphone habang naglalakad ang biktimang si Jonas Seit nang lagpasan siya ng isang motorsiklo na may dalawang sakay.

Pagdating sa malapit na poste, huminto ang motor, bumaba ang angkas, at nilapitan nito si Jonas na tila-nagaabang ng masasakyan. 

Maya-maya at makikitang biglang tinulak ni Jonas ang suspek na bumunot ng baril at saka pinaputukan ang biktima.

Sumakay uli sa motorsiklo ang gunman at tumakas, habang napaupo na lang sa gilid ng kalsada si Jonas bago tuluyang bumagsak.

Nagtamo ng tama ng bala sa braso ang call center agent. Ayon sa ulat ng RTV-Balitang Bisdak nitong Biyernes, patuloy na nagpapagamot ang biktima.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung sino ang mga salarin at kung ano ang natangay ng mga ito.

"Nakipag-sap na kami sa biktima at parang stable na siya. Nakapagsalita na siya, pero mag-a-undergo pa siya ng medical operation para ma-extract 'yung bala na pumasok sa katawan niya," sabi ni Police Master Sargeant Joseph Rouel Cutanda
ng Marigondon Police Station:

Dagdag ng opisyal, "Hihintayin talaga namin na maka-recover (si Jonas) para mabalikan namin sa ospital. Tapos ipapakita namin sa Kanya ang pictures para ma-identify if 'yun ba 'yung tao na 'yun." —Margaret Claire Layug/NB, GMA News