Dalawa ang patay at dalawa rin ang sugatan nang pagbabarilin ng mga salaring nakamotorsiklo sa isang coffee shop sa Cebu City.
Ayon sa ulat ni Nico Sereno ng RTV-Balitang Bistak sa "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Biyernes , kinilala ang mga nasawing biktima na sina John Michael Hermoso, 29-anyos, managing partner ng cofee shop, at si Kis Katy Ramos, 21, cashier.
Patuloy namang nagpapagaling sa ospital ang dalawa pang staff ng coffee shop na nasugatan sa pamamaril na sina Jerome Andrada at Sherwin Rivera.
Sa imbestigasyon ng pulisya, pasara na umano ang coffee shop nitong Miyerkules ng gabi nang biglang dumating ang mga salaring nakamotorsiklo at nagpaputok ng baril.
"Ang biktima na si John Michael Hermoso, may nakaalitan umano. Tinitingnan natin, kung bakit kasali 'yung tatlo na mga empleyado lang," sabi ni Police Major Eduard Sanchez, hepe ng Abellana Police Station.
Bumalik sa coffee shop ang mga awtoridad para kumuha ng karagdagang impormasyon at kinausap ang mga kasamahan ng mga biktima.
Hindi daw nila alam kung anong posibleng motibo sa krimen.
Nangako naman si Bong Abela, isa pang managing partner ng coffee shop, makikipagtulungan sila sa mga awtoridad para mabigyan ng hustisya ang mga biktima.--Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News
