Patay ang magkapatid na sangkot umano sa pagnanakaw, gun for hire at pagtutulak ng shabu matapos maka-engkuwentro ang mga pulis sa Antipolo City, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita ng GMA News nitong Miyerkoles.

Nagsagawa ng buy-bust operation ang mga pulis laban kay Lanie Lajota alyas Laon at Celeste Lajota alyas Etchay sa Sitio Saguipin, Barangay Dela Paz kung saan nabilhan sila ng isang sachet ng shabu.

Pero nakatunog umano ang magkapatid na pulis ang kanilang ka-transaksiyon kaya tumakbo papasok ng bahay si Etchay at pinaputukan umano ang pulis na humahabol sa kanya.

Sinubukan ding tumakas ni Laon pero nakorner siya ng mga pulis sa isang kubo kung saan siya napatay.

Tinamaan ng bala ang pulis na si Patrolman Ariel Dapyaweb na isinugod pa sa ospital, pero idineklara nang dead on arrival.

Nasugatan naman sa engkuwentro ang kasama niyang si Police Staff Sergeant Joseph Monjardin na nasa maayos ng kondisyon sa ospital.

Nakuha mula sa mga suspek ang tatlong sumpak, isang kalibre .38 na baril at 20 sachet ng hinihinalang shabu.

Holdaper

Samantala, sa Quezon City, nakita sa kuha ng CCTV ang panghoholdap ng isang lalaking nakamotorsiklo sa babaeng naglalakad sa isang kalye sa Barangay Del Monte.

Kumaripas ang suspek sakay ng kanyang motorsiklo.

Nitong Martes ng gabi, ito rin daw na suspek ang nangholdap sa isang spa sa Roosevelt Avenue.

Nagsagawa ng hot pursuit operation ang Quezon City Police District Station 2 at natunton nila ang suspek bago maghatinggabi sa nasabing barangay.

Nauwi sa engkuwentro ang tangkang pag-aresto at namatay ang suspek na kinilalang si Alvin Guttan.

Ayon sa kanyang inang si Ester Adel, matagal nang hindi umuuwi sa kanilang bahay ang suspek. —Joviland Rita/KG, GMA News