Pinagsasaksak ng isang lalaki ang sarili niyang misis sa harap pa misimo ng kanilang mga anak sa Davao City, ayon sa ulat ni RGil Relator sa Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News nitong Miyerkules.

Sinundo raw ang suspek na si Ulpiano Rodemeo ng kanyang asawa na si Gerly na nalamang nakikipag-inuman pala ang kaniyang mister nitong Biyernes Santo.

Ayon sa hepe ng Buhangin Police na si Major Roy Mateo, nagsumbong daw kasi ang mga anak kay Gerly na iniwan sila ni Ulpiano nang hindi pa kumakain. Ikinagalit daw ito ni Gerly.

Nagkasagutan ang dalawa sa gitna ng inuman at hanggang sa pag-uwi nila sa bahay.

Lumalala ang away ng mag-asawa hanggang sa saksakin na ng kutsilyo ni Ulpiano si Gerly sa harap pa mismo ng kanilang mga anak.

Naitakbo pa sa ospital si Gerly pero idineklara rin siyang dead on arrival.

“Gusto namin tulungan pero wala talaga kaming nagawa. Tulungan sana namin at paki-usapan ang suspect. Sinabihan namin na, ‘Kuya, pag-usapan natin ‘to,’ pero nasaksak na siya,,” sabi hipag ni Girly na si Darlyn Buntia.

Pinagsisisihan daw ng suspek ang nagawang krimen sa asawa. — Joviland Rita/MDM, GMA News