Patay ang dalawang rider at dalawang angkas nila matapos silang araruhin ng isang truck sa Tarlac nang makatulog ang driver habang nagmamaneho, ayon sa ulat ni Katrina Son sa Balita Pilipinas Ngayon sa GMA News TV nitong Miyerkoles.

Sa kuha ng camera na nakakabit sa helmet, makikita ang mga rider na bumibiyahe sa McArthur Highway sa Barangay San Isidro sa Paniqui nang biglang isa-isa silang sumemplang.

Nabangga pala sila ng paparating na truck.

Galing sa Macabebe, Pampanga ang mga rider na papunta sana sa Our Lady of Manaoag Basilica Minore sa Pangasinan nitong Huwebes Santo.

Kinilala ang mga namatay na rider na sina Marlou Mendoza, 21-anyos; at Ronnel Hernandez, 32-anyos. Habang ang mga nasawing angkas naman ay sina  Christian Sunglao, 16; at Anabella Canilao, edad 28.

Sugatan ang iba pa na kinilalang sina Loverich Dela Cruz, Analizabeth Hipolito, at Ernand Fresnido na kapwa 27-anyos, at si Raquel Buama na edad 25 naman.

"Nag-encroach yung truck kay kinain yung linya ng motor kaya talagang on the spot talaga, head to head po yung collision na ‘yun e,” sabi ng hepe ng Paniqui Police Station, Lieutenant Colonel Napoleon Pablo Duquez.

Noong una, depensa ni Bobis na pumutok daw ang gulong ng truck na naging sanhi raw ng aksidente. Pero hindi ito tugma sa lumalabas sa imbestigasyon ng pulis. Kalaunan, inamin din niya ang totoong nangyari.

"Nakaidlip ng kaunti. Tapos yun, namalayan ko, may tinamaan na pala," sabi ni Bobis.

Ayon kay Bobis, tatlong oras lang daw kasi ang pahinga niya nang mag-deliver siya ng tubig mula Laguna papunta sa Rosales, Pangasinan at pabalik ulit sa Laguna.

Iniuwi na sa Pampanga ang mga labi ng mga nasawing rider. Nakauwi na rin sa kani-kanilang bahay ang mga nasugatang rider.

Nahaharap si Bobis sa mga kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries and multiple damage to properties. — Joviland Rita/MDM, GMA News