Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan sa Lucena City sa lalawigan ng Quezon ang isang Barangay Kagawad matapos pagbabarilin sa Barangay Mayao Crossing Huwebes ng gabi.
Kinilala ng Lucena City Police ang biktima na si Barangay Kagawad Ariel Santomayor, 46, ng Barangay Ibabang Dupay.
Photos through Peewee Bacuño
Sugatan naman ang isang 15-anyos na lalaki na kinilalang si Bong Alarcon nang matamaan ng ligaw na bala mula sa bumaril kay Santomayor.
Nangyari ang pamamaril dakong alas-otso ng gabi. Pauwi na umano si Santomayor galing mag-coach sa isang basketball game.
Sakay ng motorsiklo si Santomayor at ang kaniyang asawa nang mangyari ang pamamaril. Maswerteng hindi tinamaan ang misis ng kagawad.
Ayon sa mga nakasaksi, naka-face mask ang suspek at naglakad lamang papalayo matapos gawin ang krimen.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng PNP upang matukoy ang salarin at ang motibo sa pagpatay. —LBG, GMA News

