Sinira ng mga awtoridad ang mahigit 11,000 tanim na marijuana sa hangganan ng Tampakan, South Cotabato at Kiblawan, Davao Del Sur.
Ayon sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News TV "Balitanghali Weekend" nitong Linggo, natunton ng mga pulis ang "marijuana hills" matapos mag-timbre ang isang kagawad.
Tinipon ang mga nasabat na marijuana saka ito sinunog.
Hindi man naabutan sa lugar ang mga nagtanim nito, may impormasyon na umano ang pulisya tungkol sa mga may pakana nito.
Cabanatuan 'shootout'
Samantala, apat naman ang patay sa Cabanatuan City, Nueva Ecija matapos umanong manlaban sa isang buy-bust operation.
Kinilala ang dalawa sa kanila bilang sina Paul Santos at Rizza Fernando na pareho umanong residente ng lungsod.
Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng dalawang napatay ding kasabwat umano ng mga suspek.
Nakuha sa operasyon ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P500,000.
Sa kulungan naman ang bagsak ng isang lalaki sa Ragay, Camarines Sur matapos mahulihan ng tatlong sachet ng hinihinalang shabu.
Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. —Dona Magsino/LBG, GMA News
