Timbog ang isang 52-anyos na guro matapos niyang pakainin umano ng ipis ang lalaking estudyante na nakahuli sa kaniya na minomolestiya umano ang isang babaeng estudyante sa loob ng CR sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing sinilbihan ng warrant of arrest ang guro sa loob mismo ng eskuwelahan kung saan siya nagtuturo.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nangyari ang insidente sa loob ng paaralan noong Oktubre 25, 2025.
“Base doon sa hawak nating report at doon na rin sa account ng ating biktima, itong nasabing guro ay nahuli niya habang minomolestiya ‘yung isang estudyante rin na babae roon sa loob ng isang CR doon sa loob ng eskwelahan. Kung saan nga nu’ng nakita siya ng estudyante na ito, ay tinakot siya nitong guro, pinagbantaang papatayin ‘pag nagsumbong at according din sa kaniya, pinakain siya ng ipis,” sabi ni Police Major Philipp Ines, spokesperson ng Manila Police District.
Ayon sa MPD, hindi nagsampa ng reklamo ang menor na edad na babae na minolestiya umano ng guro, habang Nobyembre naman nagsampa ng reklamo ang lalaking Grade 7 student na pinakain niya umano ng ipis.
Lumabas ang arrest warrant para sa guro nitong Disyembre 11.
“Titignan kung meron nakitang pagpapabaya roon sa loob ng eskwelahan, tinitingnan ‘yan at depende ‘yan doon sa magiging resulta ng pag-iimbestiga kung magkakaroon ng formal investigation,” sabi ni Ines.
Sinusubukan ng GMA Integrated News na makunan ng pahayag ang akusado, na nahaharap sa kasong child abuse ngunit nakapagpiyansa na umano ng P120,000 nitong Martes ng gabi.
Hinikayat ng pulisya ang iba pang mag-aaral na posibleng nakaranas din ng pangmomolestiya sa guro na magsumbong sa mga awtoridad para siya masampahan ng reklamo.
Dagdag pa ng MPD, posible ring mag-imbestiga upang matukoy kung may pananagutan ang eskuwelahan dahil sa loob nito naganap ang dalawang insidente na kinasangkutan ng akusadong guro. — Jamil Santos/RSJ GMA Integrated News
