Nahuli ang nangunguna at pumapangalawang most wanted ng Sta. Rosa Laguna dahil sa mga kasong murder nang magsagawa ng magkakahiwalay na operasyon ang pulisya sa lugar.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, makikita sa video ang pag-target kay Jomari Bonaos, number one most wanted sa Sta. Rosa, na nagbibisikleta noon.

Agad na pinosasan ang salarin.

Sinabi ng mga awtoridad na hindi naging madali ang pagdakip kay Bonaos dahil sa paiba-iba niyang mga pangalan sa kaniyang mga nililipatan.

"Sa umpisa ay madulas talaga ang mga suspek dahil palipat-lipat sila ng lugar na pinagtataguan. Ngunit sa tulong ng ating asset, naibigay sa atin ang kinaroroonan ng suspek at agad naikasa ang paghuli sa kaniya," ayon kay Police Lieutenant Colonel Eugene Orate, Chief of Police, Sta. Rosa Police.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang salarin.

Samantala, arestado naman sa isang compound ang No. 2 most wanted ng Sta. Rosa na si Jeffrey Decena.

Dalawang taon nang nagtatago ang suspek dahil sa kinakaharap na kaso.

"Bukod sa pagiging most wanted personalities natin, minabuti nating tutukan ang paghuli sa kanila para mapagbayaran nila ang kanilang mga ginawang kasalanan," ayon pa kay  Police Lieutenant Colonel Orate.

Hindi na rin nagbigay ng pahayag si Decena.

Inaalam din ngayon ng mga awtoridad kung may tumulong sa pagtatago ng dalawang most wanted para masampahan din ng kaukuklang reklamo. —Joviland Rita/NB, GMA News