Natumba sa gitna ng kalsada ang isang 17-anyos na lalaki habang naghahabulan ang mga kabataang sangkot sa rambulan sa Mandaue City. Noong una, inakalang nabundol ang biktima pero kinalaunan ay nakitang may mga saksak siya sa dibdib.
Sa ulat ni Nikko Sereno ng GMA-RTV-Balitang Bisdak sa Balita Pilipinas nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Jovel Casas. Hindi naman matukoy pa kung sino ang sumasaksak sa biktima.
Sa video na kuha ng Mandaue City Command Center sa bahagi ng Barangay Basak, makikita na nagtatakbuhan ang ilang kabataan.
Hindi nagtagal, isa sa kanila ang biglang natumba sa gitna ng kalsada, na kinalaunan ay nakilalang si Casas.
Matapos ang kaguluhan, na-recover ng mga awtoridad ang kutsilyo na pinaniniwalang ginamit sa pananaksak.
Ayon sa pulisya, posibleng away ng magkakalabang grupo ng mga kabataan ang nangyari.
Patuloy pa nilang inaalam kung sino-sino ang mga sangkot sa gulo.
Sa Molo, Iloilo City, isang seaman na kabababa lang ng barko ang nasawi matapos masaksak din sa isang tambulan.
Kinilala ang biktima na si John Ferick Segutier, at nasugatan din ang dalawa niyang kaibigan.
Nakilala naman ang sumaksak umano kay Segutier na si Franco Gazer, na sugatan din at nagpapagaling sa ospital.
Dinakip din ang kaniyang kasamahan na si Ramon Parcon, na itinangging may kinalaman siya sa pananaksak.-- FRJ, GMA News
