Patay ang tatlong holdaper umano ng gasolinahan matapos mauwi sa engkuwentro ang pagtugis sa kanila ng pulisya sa Lipa, Batangas. Ang sinasabing lider ng grupo, nakatakas.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News 24 Oras nitong Martes, makikita sa CCTV ang pambibiktima ng dalawang riding-in-tandem sa gasolinahan ng nasabing lugar.

Bumaba ang mga backride at pinadapa ang isa sa mga gasoline boy, saka sila nagdeklara ng holdup.

Tumakas ang mga salarin dala ang kita ng gasolinahan, makalipas ang ilang segundo.

Makikita naman sa kuha ng isa pang CCTV ang pagharurot ng mga salarin na nilampasan ang isang checkpoint ng Batangas Police.

Dahil dito, nagpasiya na ang pulisya na habulin sila.

Isinaad ng Batangas PPO na mula sa hot pursuit operation, nagkaputukan at tinamaan pa ng mga salarin ang kanilang patrol van.

"Na-trap sila, paikot 'yung daan, may pasalubong may papunta, na-trap talaga. They have no place to go. Unfortunately apat ito, ang naengkwentro natin 'yung tatlo. 'Yung lider na si Mise ay nakatakas kasi pamilyar nga siya sa lugar, pero tuluy-tuloy ang manhunt natin," ayon kay Police Colonel Atty. Edwin Quilates, Provincial Director, Batangas PPO.

Ayon pa sa Batangas PPO, matagal na nilang minamanmanan ang mala-palos na kilos ng notoryus na criminal group na nago-operate sa Calabarzon.

"Primarily sa robbery holdup sila, secondarily sa gun for hire. Marami na silang naging target sa Calamba area, even Cavite at Batangas. Random 'yung panghoholdap nila," sabi pa ni Police Colonel Atty. Quilates.

Nakuha mula sa mga salarin ang mga motor at baril na ginamit sa krimen.

Patuloy ang followup operation ng Batangas PPO laban sa nakatakas na lider ng naturang grupo. —Jamil Santos/LDF, GMA News