Natagpuang wala nang buhay at duguan sa sala ng isang bahay sa San Jose del Monte, Bulacan ang tatlong lalaki at dalawang babae. Ang mga biktima, sinasabing sangkot umano sa ilegal na droga at carnapping.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Huwebes, sinabing nangyari ang krimen sa Barangay San Pedro nitong ala-una ng madaling araw.

Kuwento ng kapitbahay ng mga biktima, nakarinig na lang siya ng sunod-sunod na putok ng baril kaya nagtago na lang sila sa kanilang bahay sa takot na madamay.

Pagsapit ng alas-singko na ng umaga, ipinagbigay-alam niya sa barangay ang nadinig na mga putok ng baril at nang puntahan ang bahay ng mga biktima ay nakita na ang mga bangkay.

Nakuha sa crime scene ang 10 basyo ng kalibre .45 na baril, anim na basyo ng caliber .40 at pitong sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P7,000.

Ayon sa hepe ng mga tanod sa barangay na si William Lanza, mga bagong naninirahan lamang sa kanilang lugar ang mga nasawi.

Sabi pa ni Lanza, may ilang residente ang nagsabing "asset" ang mga biktima at kung minsan ay may pumapasok na ibang tao sa bahay ng mga ito.

Inihayag naman sa hepe ng San Jose del Monte Police na si Police Colonel Orlando Castil Jr., ilang testigo ang nagsabi na nasa tatlong lalaki raw ang nagpaputok sa mga biktima.

Gayunman, napag-alaman na walang CCTV sa lugar kung saan nangyari ang krimen.

Karamihan din umano sa mga biktima ay nasa PNP-PDEA watch list ng drug personalities, at ang iba pa ay kasama sa BADAC watchlist.

Sinabi pa ni Castil na isa sa mga biktima ang may kasong carnapping.

Hindi raw magkakamag-anak ang mga biktima.

Tinitingnan ng pulisya ang onsehan sa droga bilang motibo sa pamamaril sa mga biktima.

Bumuo rin ng task group ang mga pulis para sa isasagawang imbestigasyon sa kaso.-- FRJ, GMA News