Limang drug suspects ang arestado matapos salakayin ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang kubo sa liblib na lugar sa Antipolo City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Balitanghali nitong Lunes.

Target ng operasyon ng PDEA Special Enforcement Service (SES) ang isang nagngangalang Rogelio Valencia alias Roger.

Ayon sa PDEA, tatlong linggo silang nagsagawa ng surveillance kay Valencia matapos silang makatanggap ng reklamo mula sa isang concerned citizen kaugnay sa kubo na hinihinalang drug den.

Para makita ng malapitan ang transakyon, nagpanggap pa ang ilang tauhan ng PDEA na bibili ng lupa kay Valencia.

Nakunan sa surveillance video si Valencia na gumagamit ng shabu.

“Ang drug den niya, napaka-strategic po. Nasa gitna ng mga puno, napakalayo, napakatarik. So tapos ang style nila ng pagpasok doo, papasok ka sa bahay niya, tapos sa bahay niya mayroon nang lagusan papunta sa drug den niya,” ani PDEA-SES team leader Pedrito Suano Jr.

Nakuha mula sa kubo ang 15 gramo ng shabu na may street value na P102,000.  Mayroon pang plastic na naglalaman ng limang gramo ng umano’y marijuana at mga drug paraphernalia.

Mga estudyante at menor de edad daw ang mga parokyano ni Valencia.

“Isa sa mga reklamo doon ay yung mga bata, yung mga minors ay gumagamit na,” Pedrito  said.

Umamin man na gumagamit siya ng iligal na droga, itinanggi ni Valencia na nagtutulak siya.

"Kubo ko po yun pero hindi po drug den. Saka po yung sinasabi nila na nahuli itong apat [na bumabatak], hindi po totoong gumagamit po sila. Meron lang akong  inorder na mga kahoy pero walang nangyari gamitan po sa kanila," aniya.

Bukod kay Valencia, inaresto rin apat na naabutan umanong bumabatak sa kubo kabilang na ang apo ni Valencia na si Gerald Valencia. Itinanggi nila ang mga paratang sa kanila. —Joviland Rita/KBK, GMA News