Nakaramdam ng katuparan si Yasser Marta matapos siyang gumanap sa unang pagkakataon sa papel bilang Hesukristo sa isang senakulo sa Pampanga.

Sa Instagram, ibinahagi ng Kapuso actor ang mga larawan ng kaniyang pagganap, kabilang ang mga eksena ng pagpapasan ng krus, at ang pag-iyak ng Birheng Maria sa pagkamatay ni Hesus.

“Honored to tell His story. Maraming salamat po,” saad ni Yasser sa caption.

Nauna nang sinabi ni Yasser, isang Muslim, sa panayam ni Nelson Canlas, na isang trabaho ang gagawing niyang pagganap sa papel bilang Hesukristo.

Pinag-aralan umano niya ang materyal, kabilang ang panonood ng “The Passion of the Christ,” at naglaan ng oras upang maunawaan kung paano dapat isagawa ang kaniyang papel.

Naunawaan din ni Yasser kung ano ang kahulugan ng kaniyang papel para sa mga tao, at inilarawan niya ang sarili na magdadala ng isang sagradong kuwento.

Kamakailan lamang, napanalunan ni Yasser ang Best Supporting Actor sa ika-8 Sinag Maynila Independent Film Festival para sa kanyang papel sa indie film na “Desperada,” na idinirek ni Louie Ignacio.

Kabilang sa mga naging GMA shows niya ang “Lolong: Pangil ng Maynila,” “My Ilonggo Girl,” "Lovers & Liars," at “Forever Young,” at iba pa. 

 

—Nika Roque/FRJ GMA News