Dead on the spot ang isang drug suspect matapos umanong manlaban sa isang buy-bust operation sa Calamba, Laguna.

Ayon sa ulat ni Cecille Villarosa sa Balitanghali nitong Miyerkules, nagtutulak umano ng target na kinilala bilang si Nelson Pamplona.

Narekober naman sa crime scene ang baril na pinaniniwalaang ginamit ng suspek at isang pakete ng hinihinalang shabu.

Arestado naman sa General Trias, Cavite ang isang tricycle driver na pang-anim sa listahan ng most wanted sa lugar.

Ang suspek na si John Paul Mendrez ay sangkot umano sa kasong panghahalay sa isang menor de edad noong nakaraang taon.

Itinanggi naman ni Mendrez ang alegasyon.

Patay naman sa pamamril ang isang binata sa Basay, Negros Oriental matapos itong dumalo sa isang sayawan sa kanilang barangay.

Ayon sa report, pinagbabaril umano ng mga naka-motorsiklong salarin ang biktima na kinilala bilang si Lester Bato.-- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News