Naging maaksyon ang paghabol ng Maritime Police sa tatlong mag-aamang mangingisda na naaktuhan umanong gumagamit ng compressor at dinamita sa pangingisda sa karagatang sakop ng Cabugao, Ilocus Sur.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa "Balitanghali" ng GMA News nitong Huwebes, sinabing itinapon pa sa dagat ng mga mangingisda ang compressor at ang mga nahuli nilang isda para walang makuhang ebidensiya.
Pero narekober ng mga awtoridad ang tangke ng compressor nang lumutang sa dagat pero tuluyan nang lumubog sa tubig ang makina nito.
Bukod sa tatlong mag-aama, tatlong iba pa ang naaresto.
Hindi lang daw compressor ang ginagamit ng mga suspek sa pangingisda pati ang pinagbabawal na dinamita na itinaggi naman ng mga suspek.
"Hindi kami gumagamit ng dinamita. 'Di rin kami nagtapon ng isda, 'yung compressor lang ang inihulog namin kasi alam naming bawal. Pero gawa ng kahirapan sa buhay kaya kami gumagamit,” sabi ng isa sa kanila.
Pero ayon naman sa Provincial Fishery Regulatory Officer na si Benedicto Saraos, nagpositibo ang mga hinuling isa na ginamitan sila ng dinamita.
"Ipindot mo lang dito sa hasa lalabas yung dugo, ‘pag pumutok yung ear bladder, ibig sabihin huli sa putok ito," sabi ni Saraos.
Sasampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek.--Joviland Rita/FRJ, GMA News
