Dalawang babae ang nasawi nang sumalpok ang sinasakyan nilang kotse sa isang pampasaherong bus sa Matina, Davao City. Ang isa sa mga biktima, kaka-graduate lang sa kolehiyo.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Biyernes, kinilala ang nasawing bagong graduate na si Janilou Faye Rosales, 21-anyos, at kasama niyang si Melody Ann Ybañez.

Sa kuha ng dashcam video, makikitang binabagtas ng bus ang kalsada nang biglang sumalubong sa kanilang linya at sumalpok ang kotse na minamaneho umano ni Ybañez.

Sa lakas ng pagkakabangga, nawasak ang kotse at gayundin ang harapang bahagi ng bus.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, papunta sanang Davao City Overland Transport Terminal ang bus, habang papunta naman sa bangkal ang mga biktima.

Nasa kostudiya ng mga awtoridad ang driver na bus na si Ricky Deloso, na maaaring sampahan ng reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide and damage to property.-- FRJ, GMA News