Patay ang isang turista habang anim naman ang sugatan matapos tamaan ng kidlat sa Siargao noong Sabado ng hapon.
Ayon sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News TV "Balitanghali Weekend" nitong Linggo, namamasyal lang sa Naked Island ang mga biktima nang biglang sumama ang panahon.
"Nagpi-picture picture lang kami tapos biglang ano na lang. Biglang may umano na puti. Wala nag-black out na talaga kami. Wala na kong naaalala after noon. Tapos 'yung isang namatay as in super lapit ko lang sa kanya," salaysay ng isa sa mga biktimang si Suzanne Simagala.
Maging ang ilang nakasakay sa bangka at paalis na sana sa isla, hindi nakaligtas sa bagsik ng kidlat.
"Pagkatapos nila kumain paalis na sana kami. Pagsakay namin sa bangka dun na ako natamaan ng kidlat. Nung natamaan na ko marami na rin natamaan sa Naked Island na ibang guest," kwento naman ng tour guide na si Grace Tolibas.
Hindi pinalad na makaligtas sa insidente ang turistang si Lee Christian Zamora na idineklarang dead on arrival sa ospital.
Wala siyang external injuries kaya posibleng cardiac arrest umano ang ikinasawi niya.
Nagkasugat-sugat naman ang leeg ng isa pang babaeng biktima na may suot na kwintas nang tamaan ng ng kidlat. —Dona Masino/LBG, GMA News
