Patay na nang matagpuan at nakasilid sa sako ang isang babaeng pitong-taong-gulang sa Negros Occidental. Ang biktima, inutusan lang daw ng kapitbahay na bumili ng sigarilyo sa tindahan.
Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team", sinabing base sa imbestigasyon ng pulisya ng Victorias City, Negros Occidental, Linggo ng hapon nang utusan ang biktima na bumili ng sigarilyo pero hindi na siya nakauwi.
Dakong 8:00 p.m. nang makita ang bangkay ng biktima sa loob ng sako na iniwan sa isang bakanteng lote na ilang metro lang ang layo sa kanilang bahay.
Ayon sa Women and Children's Protection Desk, walang nakitang mga sugat sa katawan ng biktima kaya isasailalim sa autopsy ang kaniyang labi para matukoy ang sanhi ng kaniyang pagkamatay.
Suspek sa krimen ang kapitbahay na nag-utos sa biktima na bumili ng sigarilyo na kinilalang si Mark Besa, na dati nang sumuko dahil sa paggamit ng droga.
Sinabi sa mismong anak ng suspek, gumamit raw ng iligal na droga at nakainom ang kaniyang ama bago nangyari ang krimen.
Nang puntahan ng mga awtoridad sa bahay ang suspek, wala na ito.
Sa panayam ng "QRT" kay Police Captain Joy Ellaga, deputy chief, Victoria Police, sinabi nito may nakuha silang impormasyon na naaresto ang suspek sa Iloilo.
Ayon pa kau Ellaga, mismong ang mga kaanak ni Besa ang nagdadawit sa kaniya sa krimen.
Batay din umano sa resulta ng awtopsiya, ginahasa ang biktima at pinalo ng matigas na bagay sa ulo na dahilan ng pagkamatay nito.--FRJ, GMA News
