Patay ang isang dating barangay kagawad, ang kaniyang driver at isang residente na napasilip lang sa nangyaring pamamaril sa gilid ng kalsada sa Santa Rosa, Laguna. Ang sanggol na anak at karga ng dating kagawad, sugatan matapos tamaan din ng bala.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, kinilala ang mga nasawing biktima na sina si Nestor Callanga, dating kagawad, and driver niyang Milencio Patapat, at residenteng si Carlos Manimtim.
Sugatan naman sa tama ng bala sa balikat pero nakaligtas ang walong-buwang gulang na sanggol na anak ni Callaga.
Nangyari ang pamamaril habang pasakay si Callanga sa kotse na nakaparada sa gilid ng kalsada kaninang umaga.
Sa kuha ng CCTV, makikita si Callanga na karga ang sanggol at sumakay sa driver side ng kotse. Nasa likod naman ng sasakyan si Patapat para ilagay ang stroller ng bata.
Maya-maya lang, lumabas naman mula sa isang nakatigil na sasakyan ang nasa tatlong salarin na pawang naka-bonnet at bumunot ng baril.
Sa gitna nang pamamaril, lumabas naman mula sa eskinita at sumilip si Manimtim at siya man ay pinuntirya na rin ng mga salarin.
Makikita pa ang isang salarin na binuksak ang pintuan ng kotse para muling paputukan si Callaga. Matapos maisagawa ang krimen, muling sumakay ng kanilang sasakyan ang mga salarin at umalis.
"Sana nga hindi na rin siya nadamay, paano karga ng ama, yapos yapos niya eh. Lumabas 'yung kapatid ko, wala namang alam, hindi alam ang sitwasyon doon sa driver na iyon, nadamay lang," sabi ng kapatid ni Manimtim.
Patuloy na inaalam ng pulisya ang motibo sa krimen bagamat posibleng may kaugnayan umano ang nangyari sa droga dahil nasa drug watch list ang isang biktima.
"Bagama't nakalista bilang high value target ang nasabing biktima na si Nestor Callanga ay tinitingnan namin ang lahat ng anggulo tulad ng onsehan o away sa droga," sabi ni Police Lieutenant Colonel Eugene Orate, Chief, Sta Rosa City Police.
Nagpapatuloy din ang manhunt operation ng Sta Rosa Police para sa mga suspek.
"Baka may nasagasaan silang sindikato, at patuloy nating inaalam 'yun, kung may kinalaman sa ilegal na droga," sabi ni Police Colonel Eleazar Matta, Provincial Director, Laguna PPO.
Sinusuri ng pulisya ang cellphone ng mga biktima para makakuha ng impormasyon sa ikalulutas ng krimen.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
