Peligroso man, walang magawa ang mga residente—pati ang mga estudyante—ng Sitio Malingin sa Opol, Misamis Oriental, kung hindi ang dumaan sa sira-sirang hanging bridge upang makatawid sa ilog at makarating paaralan. Nasaksihan ng GMA News kung gaano kadelikado ang sitwasyon ng mga tao doon.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, nakapanayam niya ang grade 5 student na si Cacho Reno, na hindi lang ang peligrong pagtawid sa ilog ang tinitiis, kung hindi maging ang pagod at gutom.
Para makapasok sa Opol Central School, kailangan niyang maglakad ng tatlong kilometro at madalas ay wala pang laman ang kaniyang sikmura dahil sa kahirapan ng kanilang buhay.
Alas-dose ng tanghali ang klase ni Reno at matatapos ng alas-sais ng gabi. Sa pag-uwi, pinipili niyang dumaan sa sira-sirang hanging bridge kahit madilim at halos wala nang maapakan para makauwi nang mas mabilis.
Nitong nakaraang linggo, pansamantalang isinara na ng lokal na pamahalaan ang naturang hanging bridge dahil sa delikado nang gamitin.
Pero dahil sa mas mabilis ang pagdaan dito at walang pambayad ang mga estudyante kung mamasahe sa habal-habal, patuloy na nakikipagsapalaran ang ilang mag-aaral sa paggamit ng sirang hanging bridge.
Isang grupo ng kabataan ang nahuli-cam na tumawid sa hanging bridge at ang pagkakahulog ng isa sa kanila sa ilog. Mabuti na lang at hindi malakas ang agos ng tubig.
Kaya nga batang si Reno na dalawang beses na raw nahulog din sa hanging bridge, hinihiling na magawa na sana ang naturang tulay para mailayo sila sa peligro.
Ayon kay Mayor Max Seno, may nakalaan nang pondo para isaayos ang tulay pero inabutan ito ng election ban kaya hindi nailabas.
Pero habang hindi pa naayos ang tulay, magpapatuloy sa pakikipagsapalaran sa pagtawid sa sirang hanging bridge ang mga estudyante.--FRJ, GMA News
