Nakaluhod, may nakapalupot na duyan sa leeg na gawa sa tela, at wala nang buhay nang matagpuan ang isang siyam na taong gulang na bata sa Badian, Cebu.

Sa ulat ng RTV-Balitang Bisdak sa "Quick Response Team" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Dep Lepard Seclahon.

Ipinakita ng kaniyang lolo ang hitsura ng kaniyang apo nang kaniyang matagpuan sa kanilang bahay.

Pero duda ama ng biktima na aksidente ang nangyari sa anak niya kaya hiniling niya sa mga awtoridad na imbestigahan ang pangyayari.

Nangako naman ang National Bureau of Investigation at ang pulisya na masusi nilang iimbestigahan ang insidente.

"Makipag-coordinate sa crime lab para po makapagbigay ng serbisyong libre para ma-determine natin kung merong foul play," sabi ni Police Colonel Manuel Abrugena, Director, Cebu Provincial Police.

"Mas lalaliman po natin ito because based sa videos na ating nakita kanina, parang imposible po how it happened," dagdag niya.

Sa Bacolod City naman, nasawi ang anim na buwang gulang na si Baby Lianna Alora, matapos malunod sa baldeng may lamang tubig na hinaluan ng oxalic acid.

Ayon sa mga kaanak ng biktima, sa kanilang puwesto na sa palengke natulog ang pamilya ng biktima dahil sa pagod.

Mula sa kanilang tinulugan, gumapang daw ang sanggol hanggang sa mahulog sa balde.

Wala naman daw sinisisi ang pamilya sa nangyari at nais lang nilang mabigyan ng maayos na libing ang bata.-- FRJ, GMA News