Patay sa kaniyang sasakyan matapos tambangan sa tapat ng eskuwelahan ang bagong Deputy Police Chief ng Cordova, Cebu.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Police Chief Master Sergeant Deogenes Carillo, na dalawang buwan pa lang nakadestino sa Cordova makaraang malipat mula sa Naga Police Station.

Dakong 9:00 am umano nang pagbabarilin ng mga nakatakas na salarin si Carillo habang sakay ng kaniyang pick-up truck sa tapat ng Cordova Central School.

Sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na si Carillo pagkatapos mag-duty nang pagbabarilin siya ng mga salarin.

Trabaho at negosyong pautang ang mga tinitingnang motibo ng mga awtoridad sa nangyaring krimen.

Aalamin din ng mga imbestigador kung may nakaaway ang biktima.

Hindi naman nagbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima.--FRJ, GMA News