Naisalba ang pitong aso na nakatakdang katayin sa Nueva Ecija matapos mahuli ng pulis ang mag-asawang nagkakatay at nagbebenta ng aso.
Ayon sa ulat ni James Agustin ng GMA News sa Balitanghali nitong Biyernes, nailigtas ang mga aso matapos salakayin ng mga ahente ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Animal Kingdom Foundation ang mga barong-barong sa Nueva Ecija kung saan dapat kakatayin ang mga aso para maibenta ang mga karne nito.
Naabutan ng mga awtoridad ang isang aso na tinalian ang leeg gamit ang alambre, habang ang dalawang ibang aso ay nakasilid na sa sako at nakatali na ang bibig upang hindi makatahol.
Inabutan din ng mga pulis ang isang malaking kalan na may lamang kumukulong tubig.
Aminado naman ang mag-asawang Susana at Danilo Gallardo sa kanilang ilegal na gawain.
“Naghinto na rin po kami noon, kaso kailangan na kailangan eh,” Susana said.
“Mga dalawa po [ang kinakatay ko sa isang araw],” dagdag ni Danilo.
Dinala ang mga suspek sa tanggapan ng CIDG.
Nahaharap sila ngayon sa kasong paglabag sa Animal Welfare Act.
Dadalhin naman ang mga nasagip na aso sa tanggapan ng Animal Kingdom Foundation sa Tarlac para sumailalim sa rehabilitasyon.
Nagpaalala naman ang Animal Kingdom Foundation sa publiko na huwag magkatay, kumain at magtindang karne ng aso. —Llanesca T. Panti/LBG, GMA News
