Patay ang isang negosyante at ang driver nito matapos silang pagbabarilin dahil sa away trapiko sa lalawigan ng Quezon nitong nakaraang Sabado.
Kinilala ng mga awtoridad ang mga bikitma na sina Domingo Dealino ng Tiaong, Quezon na nasawi habang ginagamot sa isang pagamutan sa Candelaria, at ang driver niyang si Marvin Domenden, na dead on the spot nang mangyari ang pamamaril.

Photo courtesy by Arnel Avila
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, nangyari ang pamamaril sa Bypass Road ng Barangay Masin Sur sa bayan ng Candelaria noong Sabado ng gabi.
Ayon kay Police Colonel Ramil Montilla ng Quezon Police Provincial Office, sakay ng isang AUV ang mga biktima nang makabanggaan nito ang isang SUV.
Habang nagtatalo ang driver ng AUV at driver ng SUV, nagalit ang huli at pinaputukan ang mga biktima ng ilang beses.
Agad na tumakas ang driver ng SUV matapos ang pamamaril. Naplakahan ang SUV (Toyota Fortuner ATA 1751).
Nagpapatuloy ang paghahanap ng mga pulis sa suspek. —LBG, GMA News

