Kung may mga magulang na pinapaluhod sa asin ang anak bilang pagdesiplina, ang isang ina sa Zamboanga del Sur, sa baga ng apoy pinaluhod ang 8-anyos niyang anak na babae na maagang umuwi at 'di raw tinapos ang klase.

Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News TV "Quick Response Team" nitong Lunes, sinabing nagkasugat at nalapnos ang tuhod ng biktimang itinago sa pangalang "Jelyn," mula sa Tukuran, Zamboanga del Sur.

Kuwento ng bata, nagalit ang kaniyang ina nang malamang hindi niya tinapos ang kaniyang klase dahil naligo siya sa ulan.

Nang makita siya ng ina sa bahay, inutusan umano siya na bumalik sa eskuwelahan para kunin ang kaniyang mga gamit.

Pero nang wala siyang dala pagkauwi, doon na siya pinagpapalo raw ng ina at pinaluhod sa baga.

Dahil sa nangyari, hindi na nakapasok si Jelyn na ipinagtaka ng kaniyang guro at principal ng paaralan kaya pinuntahan nila sa bahay ang bata.

Nang magtungo sila sa bahay, doon na nila nalaman ang sinapit ng kanilang estudyante kaya dinala nila ang estudyante sa barangay para isumbong ang nangyari.

Itinawag din nila ang insidente sa municipal social welfare office at sa mga pulis kaya inimbitahan ang nanay ng bata sa barangay hall.

Inamin naman ng ina ang ginawa niya sa kaniyang anak at nagmakaawa itong humingi ng paumanhin.

Pumayag naman ang mga lokal na opisyal na makipagkasundo sa ina, na nangakong hindi na uulitin ang ginawa sa anak. Kasabay nito, inilipat muna ang pangangalaga ng bata sa lolo nito habang nagpapagaling.

Sinubukan ng GMA News na kunin ang pahayag ng ina pero hindi ito humarap sa camera.--FRJ, GMA News