Natagpuang patay, tadtad ng saksak, at ginilitan ang isang babaeng guro sa loob ng isang inn sa Tagum City, Davao del Norte. Ang suspek sa krimen, ang umano'y karelasyon ng biktima na babae rin.
Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Teresa Mae Tero, 43-anyos.
Nakita naman si Charlene Joyce Cruda na sugatan sa loob ng kuwarto kung saan nakita ang bangkay si Tero.
Hinihinala ng mga awtoridad na nagtangka si Cruda na magpakamatay matapos na paslangin ang biktima.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na magkarelasyon ang dalawa.
Hinihinalang selos ang ugat ng krimen dahil nais na umanong biktima na makipaghiwalay sa suspek.
Hustisya ang panawagan ng mga magulang ng biktima.
Naka-hospital arrest si Cruda na hindi pa nagbibigay ng pahayag.
Nahaharap siya sa reklamong murder.-- FRJ, GMA News
