Kalunos-lunos ang sinapit ng isang rider at angkas niyang mag-ina na kaagad nasawi matapos salpukin ng isang elf truck ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Narra, Palawan.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Miyerkoles, kinilala ang mga biktima na sina Rolando Talungar Jr., at mga angkas niyang mag-ina na si Rowena Cabeguin at ang isang taong gulang na si  Karyl Jana.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na binabagtas ng mga biktima ang national highway habang nasa kabilang linya naman ang elf truck.

Nang papaliko na ng kalsada ang motorsiklo, doon na sila nahagip ng truck. Sa lakas ng pagbangga, tumilapon ang mga biktima sa kalsada.

Nagtamo ng matinding pinsala sa katawan at ulo ang mga biktima na kanilang ikinasawi.

Samantala sa Binmaley, Pangasinan, isang truck naman bumangga sa tatlong sasakyan nang nawalan ng kontrol sa manibela ang driver nito.

Matapos bumangga sa tatlong sasakyan, sumadsad ang truck sa isang kainan sa gilid ng national highway.

Sugatan ang driver ng isa sa mga sasakyan na nabangga.--FRJ, GMA News