Kalunos-lunos ang sinapit ng isang lalaki na pinagtulungang gulpihin sa kalye ng ilang kalalakihan hanggang sa magulungan siya ng trak na naging dahilan ng kaniyang pagkamatay sa Rodriguez, Rizal.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente sa E. Rodriguez highway sa Rodriguez, Rizal noon July 21, kung saan nasawi si James Maravillas.

Sa kuha ng CCTV, makikita na hinampas ng tubo si Maravillas na dahilan para matumba siya. Nang makatayo, isa pang lalaki ang sumuntok at sumipa sa kaniya na dahilan para siya tumilapon papunta sa hulihang gulong ng trak.

Sakto naman na umandar ang trak kaya nagulungan ang biktima.

Kaagad naman tumulong sa biktima ang kaniyang kasama na ginulpi rin ng mga suspek para maialis siya sa pagkakaipit.

Isinugod sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay.

Ang mga nanggulpi sa kanila, kaagad na umalis matapos ang insidente pero naaresto rin kinalaunan ang driver ng jeep na si Nomer Pascua, at kaniyang "konduktor" na nagpakilalang 17-anyos pero wala raw maipakitang katibayan.

Pinaghahanap naman ang isang pasahero na si Alyas Untog, na siya umanong nanuntok at sumipa sa biktima kaya napunta sa gulong ng trak si Maravillas.

Ayon kay Pascua, hindi siya kasama sa mga bumaba sa sasakyan. Nag-ugat daw ang gulo nang kulang ang ibayad ng biktima at kasama nito, at nagbanta pa umano.

Nahaharap sa kasong murder at frustrated murder ang mga suspek, habang hustiya ang panawagan ng kaanak ng biktima.

Hindi naman kasamang kinasuhan ang drayber ng trak.-- FRJ, GMA News