Disgrasya ang inabot ng ilang motorista na nangahas na tawirin ang rumasagasang tubig sa Wawa river spillway sa Rodriguez, Rizal habang malakas ang ulan kamakailan.
Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Martes, nasawi ang pahinante ng isang truck habang nakaligtas naman ang driver nang mahulog ang kanilang sasakyan sa spillway bunga ng malakas na agos.
Ang naturang spillway ang nagdurugtong sa barangay ng San Rafael at San Isidro.
Ayon sa isang opisyal ng Barangay San Isidro, ikinuwento ng driver ng truck na sinundan niya ang truck na nasa harapan niya at hindi na kinaya ng kaniyang sasakyan ang biglang paglakas ng agos.
Mayroon pa umanong dalawang tricycle at isang kotse na dumaan sa spillway sa mga sununod na araw na nahulog din. Nasawi ang isa sa mga driver ng tricycle.
Nilalagyan naman daw ng harang ng mga awtoridad ang spillway kapag malakas ang agos ng tubig pero sadya raw may mga motorista na inaalis ang harang at tumatawid.--FRJ, GMA News
