Isang tindera ng gulay sa Laoag, Ilocos Norte ang pinapurihan dahil sa kanyang katapatan matapos isauli sa may-ari ang isang bag na may lamang P2.7 milyon, ayon sa Unang Balita nitong Martes.

Kuwento ng tinderang si Alice Baguitan, kumakain siya sa isang fast food restaurant nang tabihan siya ng isang babaeng may bitbit na bag.

Itinabi raw ng babae ang bag sa paa ni Alice ngunit nakalimutan ito nang magmadali itong umalis.

Suwerte namang narinig ni Alice na papunta ang babae sa bus terminal kaya hinabol niya ito roon.

Sa sobrang tuwa, niyakap ng babae si Alice at inabutan ng pera, ngunit hindi ito tinanggap ni Alice.

Ayon kay Alice, hindi ito ang unang pagkakataong nakapulot siya ng malaking halaga na ibinalik niya sa may-ari. Naniniwala raw siya na mas marami pa siyang matatanggap na biyaya sa Diyos dahil sa kanyang katapatan. —KBK, GMA News