Ikinuwento ni Inah de Belen na ang kaniyang ina umano na si Janice ang nagmungkahi na mag-live in na sila ng kaniyang nobyo na si Jake Vargas. Bakit kaya ito iminungkahi ng aktres sa anak, at ano ang natutunan ng celebrity couple sa kanilang set-up na pagsasama? Alamin.

Sa kanilang nakaraang guesting sa “Your Honor,” binalikan ni Inah kung paano sila humantong ni Jake sa usapin na magsama na sa iisang bubong.

“Actually, because matagal na kami and there would be times mostly that I would be out of the house na siya 'yung kasama ko. Parang nagkaroon lang kami ng... We were just thrust into that situation because something happened,” pagsisimula ni Inah.

Kalaunan, nagmungkahi na ang kaniyang ina na si Janice.

“Tapos, sabi ng mom ko, ‘Ba't di na lang kayo mag-live-in?’ But she did not, like push it, ‘Alam mo mag-live-in na kayo.’ Parang naisip niya, ‘You know what? Why don't you guys just live together?,’” kuwento ng aktres.

“So siyempre nu'ng nakita ko, sabi ko, ‘Oh my God. Are you sure?’” pagpapatuloy ni Inah.

Gayunman, nilinaw ni Inah na pumasok na rin ito sa kaniyang isipan.

“Siguro, it would be much more practical if we live together kasi everyday na kami magkasama,” sabi niya.

Ibinahagi naman ni Jake ang mga pumasok sa isip niya nang mag-live-in na sila ni Inah.

“Ako kasi naman, malinis naman din ako sa bahay. Ayoko ng marumi. Ayoko ng nakakakita ng kalat, sobra,” sabi ni Jake.

Kuwento ni Jake, siya ang nagturo kay Inah ng mga gawaing bahay, gaya ng pagluluto at paghuhugas.

“Simula nu'ng tumira siya doon, nag-live-in na kami, siyempre si Inah, galing sa... may mga yaya sila, may nag-aasikaso sa kanila, ‘di ba? So, siya, hindi pa siya sanay sa ganu'n,” sabi ni Jake.

“Tinuruan ko siya. Natuto naman si Inah. Ang galing nga eh. Proud ako sa kanya,” sabi pa ng binata.

Si Inah naman, ibinahagi na proud siya sa pagiging simple ng kaniyang nobyo.

“Tsaka, ang na-appreciate ko kay Jake kasi, even... before I was living in with him, simpleng tao lang talaga siya. Like, ang babaw ng kaligayahan niya. Parang, ako kasi, I was raised in a different family. Magkaiba 'yung family background namin. So, because we're together, parang na-absorb ko na rin 'yung pagiging simplistic, 'yung pagiging ‘Zen’ niya,” sabi ni Inah.

“And si Jake kasi, very level-headed siya na tao. And, hindi siya 'yung tipong tao na nagtatanim ng sama ng loob or ng grudge,” dagdag pa ni Inah.

Bukod dito, nakita rin ni Inah kung paano makitungo si Jake sa pamilya nito at sa ibang tao.

“So lahat ‘yun, tina-try kong... It's something that I should learn also. Kasi, kaming dalawa naman, ako, I learned something from him. Mas lalo na when we were living together.
And, kahit siya, he learned something from me also,” sabi ni Inah.

Usaping pinansiyal

Pagdating sa mga bayarin, ibinahagi ni Inah na nagpasiya siyang magkahati ang set-up nila ni Jake.

“Siyempre kasi, sanay tayo na dapat lahat sagot ng lalaki. Ako kasi, I made sure and I told Jake na ayokong, kasi, we were living in his condo. So, sabi ko, ayokong maging pabigat. ‘I don't want you to feel like you have to pay for everything.’ Kasi, he's been doing that his whole life, for the family. So, sabi ko, ang rule natin dito is everything is equal,” sabi niya.

“Sa kuryente, sa pambayad ng tubig, Wi-Fi, dapat, even going out, eating out, dapat, hati tayo,” pagpapatuloy ni Inah.

Ayon kay Inah, hindi maasikaso si Jake sa “paper works” o nagtatago ng mga record sa papel, kaya siya na ang toka rito.

“Let's say, o, siya muna sa kuryente, ako sa tubig, ako sa condo dues. Or the next time, ako 'yun sa electricity, siya naman sa water and sa condo dues,” sabi niya.

“So, I show him the bills. ‘O, ito 'yung babayarin natin ngayon. O, don't forget ha. We need to pay this now.’ Or ‘We have to pay this Wi-Fi now,’” sabi ni Inah.

Paglilinaw niya naman, “Siyempre, that's for us ha. Kami, 'yun talaga 'yung naging... If there's any rule, ‘di ba? You were asking us kung ano 'yung rule. Yun lang naman 'yung rule namin. You cannot be the only one paying. I cannot be the only one paying. Dapat equal tayo,” ayon pa sa aktres. – FRJ GMA News