Patay ang dalawang drug suspek nang manlaban umano sa mga pulis sa magkahiwalay na operasyon kontra droga sa Bulacan nitong Sabado ng gabi.

Nangyari ang buy-bust operations sa mga bayan ng Bulakan at San Rafael pasado alas-11 ng gabi, ayon sa ulat ng GMA News.

Nabaril at napatay ang suspek na kinilalang si Julius Navarro (taga- Meycauyan) sa operasyon sa Barangay Bambang sa bayan ng Bulakan.

Ayon kay Police Senior Master Sergeant Cesar Garcia, investigator on case ng Bulakan Police Station, nasa drugs watch list si Navarro.

May natanggap umanong impormasyon ang mga pulis tungkol sa pagtutulak ng suspek at nagsagawa sila ng surveillance at nagkasa ng buy-bust operation laban kay Navarro.

Nang malaman ng suspect na pulis pala ang kanyang katransaksyon, bumunot umano ito ng baril at agad na pinaputukan ang mga pulis na nagpanggap na buyer.

Maswerte namang walang tinamaan sa mga pulis at dito na sila gumanti ng putok na ikinamatay ng suspect.

Narekober sa crime scene ang .38 caliber na revolver na ginamit ng suspek. Nasa 18 sachet ng marijuana, 10 sachet ng shabu, cellphone, pera, P1,000 marked money, at drug paraphernalia.

Samantala, sa bayan naman ng San Rafael sa Brgy. Sampaloc ay patay din ang drug suspek na nakilalala sa alyas na Alphie, makaraang paputukan ng baril ang mga awtoridad na kanyang katransakyon sa droga.

Walang tinamaan sa mga pulis kaya dito na sila gumanti ng putok na agarang ikinasawi ng suspek.

Nakatakas naman ang hindi pa nakikilalang kasabwat nito sakay ng motorsiklo.

Nakuha sa crime scene ang ilang sachet ng shabu, kalibre .38 na baril, mga bala, drug paraphernalia at marked money.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente at pagtugis sa nakatakas na isa pang suspek. —LBG, GMA News