Patay ang isang motorcycle rider at ang babaeng angkas nito nang makasalpukan ang isang kotse sa Tayabas-Lucban Road sa Tayabas City, Quezon pasado alas-dies ng umaga nitong Sabado. 

Iniulat ng Tayabas City Police Station na  galing sa Lucban, Quezon at patungo sana sa Lucena City ang dalawang nasawing nakamotor, at patungo naman sa Lucban mula Lucena ang kotse.

Pareho raw mabilis ang takbo ng dalawang sasakyan, ayon sa mga nakasaksi.

Sinubukan pang isugod sa pagamutan ang dalawang biktima subalit idineklara itong dead on arrival. Nagtamo ng matinding head injury ang mga biktima.

Inaalam pa ngayon ng PNP kung sino ang may kasalanan sa salpukan. Sumuko naman sa mga pulis ang driver ng kotse.

 

Photo courtesy: Tayabas Police
Photo courtesy: Tayabas Police

Aksidente sa Pagbilao

Anim naman ang sugatan sa karambola ng apat na sasakyan sa Maharlika Highway, Barangay Malicboy, Pagbilao, Quezon pasado alas-9 ng umaga nito ding Sabado.

Isang armored van, isang kotse, van at tricycle ang sangkot sa karambola.

Maswerteng walang nasawi sa insidente.

 

Photo courtesy: Herbert Pureza
Photo courtesy: Herbert Pureza

Wasak na wasak at parang niyuping lata ang kotse habang tumaob naman ang van.

Ang mga sugatan ay sakay ng kotse, van at tricycle na agad isinugod sa iba’t ibang pagamutan sa Lucena City.

Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang PNP sa bayan ng Pagbilao. —LBG, GMA News