Isang 86-taong gulang na lola na bibili sana ng gamot sa Malolos, Bulacan, ang nabiktima ng mga mandurukot, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes.

Sa kuha ng CCTV, kitang-kita na siniksik ng mga suspek ang biktimang si Sofia Petalyana habang papasok ito sa botika.

Ang isa sa mga suspek, pasimpleng idinikit ang payong sa bag ng biktima habang ang iba pang kasabwat nito ay patuloy na dine-delay ang pagpasok ng matanda.

Wala namang kamalay-malay si lola na dinudukot na pala ng babaeng nasa gilid niya ang kanyang wallet na naglalaman ng P1,000 na pambili sana ng gamot.

Bukod sa pera ay natangay rin ng mga salarin ang ATM card at ID ni lola. —KBK, GMA News