Nakuhanan ng video ang huling mga sandali ng medevac plane bago ito tuluyang bumagsak sa isang resort sa Barangay Pansol sa Calamba, Laguna nitong Linggo ng hapon. Siyam ang nasawi sa naturang trahediya.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, ipinakita ang video footage na inilabas ng Calamba Public Order and Safety Office, kung saan makikita sa cellphone video ang eroplano na tila umuusok sa ere at mabilis ang pagbulusok dakong 3:00 p.m.
Saglit na nawala ang eroplano pero nang muling makita ay patagilid na ang lipad nito at tuluyang bumagsak.
Lumikha ng malaking usok ang pagbagsak ng eroplano na ikinasawi ng siyam katao, kabilang ang dalawang piloto.
Kinalaunan ay kinilala ang mga biktima na sina Captain Jesus Hernandez (pilot), First Officer Lino Cruz Jr. (co-pilot), Dr. Garret Garcia, Kirk Eoin Badiola (nurse), Yamato Togawa (nurse), Ryx Gil Laput, Raymond Bulacja, Tom Carr (pasyente),at Erma Carr (asawa ng pasyente).
Isang mag-ina na nasa resort naman ang nasaktan sa naturang insidente.
"Pagdating din po natin dito, nakita po natin nasusunog 'yung bahay. 'Di naman po siya natumbok ng eroplano. So bale 'yung side doon sa may tagiliran na kung saan binangga niya 'yung pinaka-pader... du'n na nag-collapse 'yung structure," ayon kay Jeffrey Rodriguez ng Calamba City Disaster Risk Reduction and Management Office.
Dalawang resort umano ang nadamay sa pagbagsak ng 11-seater King Air 350 medevac plane, na may tail number RPC 2296. Nanggaling daw ito sa Dipolog City, Zamboanga del Norte, at may dadalhing pasyente sa Maynila.
Dakong 3:10 p.m., umano nang mawalan ng contact sa eroplano ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Patuloy pa umano ang imbestigasyon upang alamin ang dahilan ng pagbagsak ng eroplano.
Tiniyak naman ng Lion Air, ang kompanyang may-ari ng medevac plane, na sasagutin nila ang gastusin sa mga nasawi at pagpapagamot ng mga nasaktan.
Makikipagtulungan din daw sila sa isinasagawang imbestigasyon.--FRJ, GMA News
