Sampung patay na biik ang natagpuang palutang-lutang  sa isang sapa sa Malolos City, Bulacan.

Ayon sa mga residente, bandang alas-siyete ng umaga ngayong Biyernes nang makita ang mga inaanod na mga biik na nahalo sa mga basura sa Barangay Tikay.

Bukod sa mga biik, nagpalutang-lutang din ang mga lamanloob ng baboy.

Wala raw ideya ang mga residente kung saan nagmula ang mga biik.

Hiling ng isa sa mga residente,  huwag daw sa sapa itapon ang mga baboy at ibaon sa lupa nang maayos upang hindi makahawa.

Sinisikap ng GMA News na makuha ang panig ng Bulacan Provincial Veterinary Office tungkol dito. —JST, GMA News