GENERAL LUNA, Quezon - Buwis buhay ang ginawang pagtawid ng mga guro at estudyante sa rumaragasang baha sa isang spillway sa Barangay Sumilang, General Luna, Quezon nitong Biyernes ng hapon.

Lumaki ang tubig sa ilog dahil sa malakas na buhos ng ulan dala ng Bagyong Marilyn.

Kahit peligroso ay nagpumilit na tumawid ang mga guro at estudyante para lang makapasok sa paaralan at makauwi naman kinahapunan.

Ayon sa uploader ng video na si Sharline Esplana na isang public school teacher sa lugar, matagal na raw nila itong problema tuwing umuulan nang malakas.

Minsan nga raw ay muntik na silang matangay ng rumaragasang baha.

Panawagan nila sa pamahalaang lokal ng General Luna, Quezon, sana raw ay magkaroon ng tulay sa lugar upang maiwasan ang problema sa tuwing babaha.

Ayon naman sa local government unit ng General Luna, gagawa sila ng paraan upang matugunan ang problemang ito ng mga taga-Barangay Sumilang. —KG, GMA News