Isang barangay kagawad sa Mangaldan, Pangasinan ang nagsauli ng napulot niyang wallet na may laman na P10,000. Ang dahilan kaya hindi niya pinag-interesan ang pera, ang pangaral sa kaniya noong bata pa siya na dala-dala niya hanggang sa kaniyang pagtanda.
Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV News, sinabing marami ang humanga sa katapatan ni Victor Velasquez, kagawad sa Barangay Salay dahil sa ginawa niyang pagsauli sa napulot niyang wallet na may laman na mahigit P10,000 cash, bank cards, at identification cards.
Napulot ni Velasquez ang wallet malapit sa isang restaurant sa Barangay Poblacion, habang patungo siya sa isang ospital para sa medical checkup.
Ayon kay Velasquez, balak sana niyang tawagan ang may-ari ng wallet pero wala siyang nakitang contact number.
Dahil dito, minabuti ni Velasquez na humingi na ng tulong sa local officials upang matukoy ang may-ari ng wallet at matawagan.
Aniya, ang pagsauli ng wallet sa tunay na may-ari ang nararapat na gawin.
"Hindi naman sa akin 'yun kaya hindi ko puwedeng angkinin 'yun. Saka baka may pinaglaanan doon 'yung may-ari kaya isinauli ko," ayon kay Velasquez.
Hindi naman nagtagal, naibalik ang wallet, pera at iba pang laman nito sa may-ari, na residente ng San Jacinto, Pangasinan.
Nakipag-ugnayan umano kay Velasquez ang may-ari ng wallet sa social media upang magpasalamat sa kaniya.
Ayon sa barangay kagawad, ang pagiging tapat ang isa sa mabuting asal na kaniyang natutunan sa kaniyang paglaki.
"Bata pa kami, turo na sa amin 'yan na kapag hindi sa amin, hindi namin puwedeng kunin. Ganoon lang po 'yun'," paliwanag niya.—FRJ GMA News

