Sugatan at duguan ang isang 69-anyos na babae matapos pasukin ng isang magnanakaw ang kaniyang bahay at pagsasaksakin siya sa Caloocan City.
Sa ulat ni Mariz Umali sa 24 Oras nitong Biyernes, sinabing naganap ang insidente pasado 9 p.m. ng Linggo, nang sirain ng isang lalaki ang nakakandadong pinto ng biktima.
Doon na walang awang pinagsasaksak ng suspek ang babae, na mag-isang nakatira sa loob ng bahay.
Gayunpaman, pinilit ng biktima na tawagan ang kaniyang kapatid gamit ang telepono.
“Nakatawag siya sa landline doon sa bahay ng kapatid ko. ‘Yun ang salita na hindi halos maintindihan. ‘Papuntahan ako dito.’ Dalawang ulit daw po inulit. ‘Papuntahan ako dito,’” sabi ng kapatid na babae ng biktima.
Natagpuan ng dalawa niyang pamangkin ang babae na halos lupaypay na sa loob ng garahe.
“Puro po dugo. Duguang-duguan. Magulo po ‘yung bahay. Maraming dugo sa lapag,” sabi ng kapatid ng biktima.
Tiyempo namang may nagpapatrolyang pulis.
“Timing na timing, pagkakita nila sa kapatid ko, ayan na rin ‘yung patrol car. Madalian pong isinakay. Ang kapatid kong nabiktima, isinakay. Dahil ‘yung mga pulis po, sila ang naghatid na sa hospital,” anang kapatid ng biktima.
Hinala ng pamilya na pagnanakaw ang motibo sa krimen.
“Hindi ko sasabihin na mayroong may galit sa kaniya kasi napakabait po niya. Matapos pong makapaglinis at tingnan kung anong mga nawawala, cellphone po at saka pera doon sa handbag niya. Ano po niyang pera is P25,000 po,” sabi ng kaanak ng biktima.
Isang construction worker sa katabing construction site ang itinuturing na ngayong suspek, bagama’t nananatili siyang at large.
Ayon pa sa kapatid ng biktima, na-retrieve ng pulisya ang cellphone ng biktima ilang oras matapos ang insidente, kaya sila nagkaroon ng lead sa person of interest.
Natagpuan din sa pinangyarihan ng krimen ang isang flashlight at isang kutsilyo na hindi pagmamay-ari ng biktima.
Bukod sa mga saksak, nagtamo rin ang biktima ng mga bugbog sa mukha, mata, ulo, at bibig.
“Sumuko ka na. Napakabait ng taong sinaktan mo,” anang kapatid ng biktima.
“Napakasakit. Dahil ito, trauma po sa pamilya, hindi lang sa kaniya,” dagdag niya.
Patuloy ang pagpapagaling ng biktima sa ospital.
May mga lead na ang mga imbestigador, habang patuloy ang manhunt operation sa suspek na nananatiling at large. —Jamil Santos/KG GMA News
