Dalawang senior citizen na edad 66 at 60 ang nasawi matapos silang bumangga sa sinusundan nilang van sa sa TPLEX Access Road sa Rosales, Pangasinan.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa bahagi ng Barangay Acop nitong Huwebes ng gabi.
Ayon sa pulisya, lumabas sa imbestigasyon na binabagtas ng dalawang sasakyan ang parehong direksyon nang biglang bumangga ang motorsiklo ng mga biktima sa likuran ng van.
Tumilapon sa kalsada ang 66-anyos na rider, at ang 60-anyos na angkas niya.
Inihayag din ng mga awtoridad na parehong walang suot na helmet ang mga biktima, at hinihinalang nakainom.
Wala pang pahayag ang mga kaanak ng nasawi at iba pang sangkot sa aksidente, ayon sa ulat. – FRJ GMA News
