Isang 83-anyos na lola na kalilibing pa lamang sa Digos City ang nakita ng mga kaanak na nasa labas ng nitso at hinihinalang inabuso dahil wala na itong underwear.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Saksi" nitong Miyerkules, sinabi ng mga kaanak ng namayapang si Isabel Bastatas, na nakakrus ang mga paa ng bangkay nang makita nila.
“Imbes na panatag na loob namin, parang nadagdagan pa ang sakit,” ani Edwin Bastatas, isang kaanak.
Dalawang binatilyo ang nadakip ng pulisya sa follow-up operation pagkatapos silang ituro ng isang saksi.
"Baka merong iniwan na mga valuable things, 'yun ang hinahanap nila," sabi ni
Police Lieutenant Ernesto Castillo, hepe ng Digos Police.
Pero hindi pa rin nila matiyak kung inabuso ang bangkay tulad ng hinala ng mga kaanak nito.
Noong una, inamin ng mga suspek ang paratang pero itinanggi nila kinalaunan.
Idinahilan ng isang suspek, na ang mga pulis umano ang nagpilit sa kanila na aminin ang kasalanan.
"Hindi ko talaga ginalaw 'yun [...] Gusto ipaamin sa amin. Pauwi na ako noon galing sa trabaho sa pagkuha ng mga niyog," sabi ng isang suspek.
Ipinatawag naman ng Digos City Mayor Josef Cagas ang dalawang binatilyo at kanilang mga magulang.
"Ang utos ng mayor, ito ay ireporma itong mga batang ito para hindi maging problema sa komunidad," ani Castillo.
Inilipat na ang mga suspek sa Department of Social Welfare and Development, habang plano ng pamilya Bastatas na kasuhan ang mga magulang ng dalawang suspek.
Muli namang inihatid sa huli niyang hantungan si Lola Isabel. -- Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News
